Friday, August 7, 2026

ANG KWENTO NG MAG AMA CHAPTER 12 (KASALANAN MAGING BAKLA)

 

ANG KWENTO NI BILLY 

IKALAWANG LIBRO


ANG KWENTO NG MAG AMA 

CHAPTER 12

(KASALANAN MAGING BAKLA)



Trigger Warning / Reader's Note: Ang kuwentong ito ay naglalaman ng mga eksena ng panlalait, diskriminasyon, at mapanakit na pananalita laban sa LGBTQ+ na mga karakter. Ang mga elementong ito ay bahagi ng salaysay at hindi sumasalamin sa pananaw o paniniwala ng may-akda. Pinapayuhan ang pag-iingat sa pagbabasa. 


***


UMAGA NG MARTES

SA SIMBAHAN


"Humayo kayo sa kapayapaan upang mahalin at paglingkuran ang Panginoon." matapos nilang marinig ito ay nagpalakpakan na ang mga tao.


Habang nasa loob pa sila ng simbahan.


Nagmano si Billy sa mag asawang Melchor at Matilde at habang nagmamano na si Billy kay Melchor ay narinig niyang bumulong si Matilde sa asawa at sinabing “chor, chor.. Tingnan mo naman ang anak ni Belinda, isinama na naman niya dito..” at napatingin silang lahat sa isang babae at isang lalaking halatang binabae ito na papalapit sa pari at magmamano.


Napailing na lang si Melchor at sinabing “tsk.. Tsk.. kahit ilang beses pa niyang dalhin ang anak niya dito ay hindi na talaga magbabago ang tingin sa kanya ng mga tao at ng panginoon, tiyak sinusunog na sa impyerno ang kaluluwa nyang si Catalino, tingnan mo naman kalalaking tao pero nagsusuot ng pambabae.”

“Sobrang hirap kausapin, ilang beses na pinagsabihan yan pero ganyan pa rin ang kilos at magdamit.. haaay!” sabay sign of the cross.



Napatingin na lang sila sa mag inang nagmano na sa pari at nagulat si Billy nang marinig niya ang sinabi ng ina. 


“Kasalanan yan, haaay naku! Doon nga sa simbahan namin pinagsasabihan namin yang mga ganyan mag damit..” at sa narinig ni Billy, ngayon lang niya nalaman at narinig na ganun magsalita si Maria. 


Nagsalita si Matilde at sinabing “Kahit din naman dito, pero makulit talaga yang mag inang iyan.. mahirap din kausap si Belinda, kinukunsinti ang anak.. palibhasa disgrasyada,” ang kanyang sabi at tumingin kay Maria sabay sabing “alam mo bang walang ama yang anak niya, nabalitaan na lang dito sa lugar natin na apat na kalalakihan daw ang gumalaw dyan kay Belinda sa isang araw at hindi alam kung sino sa mga iyon.. haaay! diyos ko!” at nakita na lang sa mukha ni Maria na parang hindi makapaniwala, kaya pangit na ang tingin niya kay Belinda at sa anak nitong bading.

 

Habang si Billy ay naririnig ang mga usapang iyon.


“Ang sagwa.. Karimarimarim ang ganyang pagkatao..” at tinapik na niya si Maria para lumapit kay father para magpabendisyon dahil iyon naman talaga ang pakay nila.


Lumakad sila papalapit sa pari at nakatingin pa rin si Billy sa kanina lang na pinag usapang binabae.


Nakita ni Billy na nagbulungan ang mag ina nang makita silang papalapit, lumayo na lang ang mag ina at kinausap na ni Matilde ang pari, sinabing bendisyunan silang mag ina. 


Tumalima naman ang matandang pari at ilang beses din silang sinabuyan ng holy water.


Nag sign of the cross at matapos ay hinalikan ni Matilde sa noo ang apo sabay sabing “hindi ka matutulad sa ama mo, wag kang mag alala apo, hanggat nandito ka ay malalayo ka sa kasalanan..”

“Kasalanan maging binabae at walang lugar sa mundong ito..” tapos ay humalik din si Maria sa kanya.


“Dito na ang bagong buhay natin nak.. Malayo sa ama mo..” 


Lahat ng ito ay naririnig lang ni Billy, pumapasok sa isang tenga pero lalabas sa kabilang tenga. Dahil hindi niya gusto ang ganitong buhay na punong puno ng pangmamata sa kapwa. 


Hindi iyon ang itinuro sa kanya ng kanyang ama at alam niya kung ano ang mas makakabuti sa kanya.


“Kailangan kong bumalik kay papa..”

“Hindi dito ang buhay ko..” ang sabi nito sa sarili.

***


Sa kanilang pag uwi ay mas nakita ni Billy ang paligid na napaka lawak.

Hanggang sa muli niyang makita ang binabaeng pinag uusapan lang nila Matilde kanina. Nakita nila ang binatang kilos babae. 


Halos katabi lang pala nila ito ng bahay at kung ikukumpara ang kanilang bakuran ay makulay ito, nandoon lahat ang kulay ng bahaghari na kagagawan ng sinasabi nilang bading, samantalang ang bakuran nila Melchor ay simpleng kulay itim lang na parang kala mo ay galit sa masayang mundo. 


Sa umagang iyon ay tinanong ni billy ang kanyang cellphone pero sinabi ni Matilde na huwag munang gumamit ng telepono at tulungan na lang ang lolo niya magbungkal ng lupa para sa mga punlang itatanim.


Walang nagawa si Billy kundi sumunod.

Nilibang na lang ang sarili hanggang sa mag isa na lang siya sa bakurang iyon.


“Psst!”

“Psst!” 

“PSSSSSSSST!” sunod sunod na sitsit na nagpalingon kay Billy sa kabilang lote at nakita niyang kumaway ang bading na lalaki.


“Apo ka nila aling Matilde at manong Melchor?” ang tanong sa kanya na may malumanay at ipit na boses.


Tumango naman si Billy at sinabing “oo kagabi lang kami dumating..” 

Tumango din ang binabae at sinabing “Taga saan ka? Saan kayo galing, sa maynila ba?” at umiling si Billy. “Taga ibang probinsya kami..”


“Bakla ka?” ang biglang tanong ni Billy.


“ABAH!!! ABAH!!! Ang lakas pala ng loob mong matanong ng ganyan! Dayo!.. Hmmm, hindi ba halata sa kagandahan ko uhmmmm?!” at natawa na lang silang dalawa. 


“HAHAHAHA! Kala ko magsusungit ka sa tanong ko..” ang sabi ni Billy.

Umiling ito at sinabing “hindi ko na kailangan pang ikagalit un.. Ano palang pangalan mo? Kanina pa tayo nag uusap?” ang tanong nito.


“Billy nga pala ang pangalan ko..” ang sagot nito.


“Ikinagagalak kitang makilala Billy! Ako nga pala si Queen Catriona..”

“Catalino sa umaga, Catriona sa gabi..” at matapos niyang sabihin iyon ay nagtawanan silang dalawa.


Napaka gaan ng pakikipag kilala ni Billy kay Catriona, pero naputol na lang ito nang marinig na nila si Melchor na paparating mula sa likod bahay. 


Kaya naman biglang kumaway si Catriona at sinabing “sige na bye! Mamayang gabi doon ako sa ilalim ng punong iyon nakatambay.. Kung gusto mo ng kakwentuhan.. Nice meeting you Billy!” at dali dali na itong umalis dahil alam naman niyang makakarinig na naman siya ng kung ano anong panlalait mula sa matandang lalaki.


“Oh apo, eto ung mga punla, tapos mo dyan ay itanim mo na ito isa isa..” at wala nang reklamo pa si Billy kundi sinabi na lang niya na “sige po lolo..”


Lumipas ang buong araw at nakatunganga na lang si Billy dahil hindi pa rin ibinabalik ang cellphone niya dahil sinabihan siya ni Matilde na kung walang gagawin ay magbasa ng bibliya, pero hindi naman niya ginawa.



***

MARTES NG GABI


Sa hapunan hindi mawawala ang isang minutong pagdarasal nila bago kumain.

Sa kanilang pagkain ay tahimik lang ang lahat dahil ang abiso ni Matilde sa kanila na kapag kumakain ay parang nag darasal. 


Kaya pakiramdam ni Billy ay walang kabuhay buhay ang kinakain niya dahil walang nag uusap, lahat tahimik at hindi katulad noong kasama pa niya ang kanyang papa. Na siguradong tumatawa sila kapag nag uusap at kumakain.


Matapos silang kumain ay nagulat si Billy nang tatayo na sana siya ay pinigilan siya at sinabing hintayin matapos ang lahat. Nang matapos na si Melchor ay muli silang nagdasal at nagpasalamat sa diyos.

Doon ay nagkaroon na ng pagkakataon si Billy na lumabas muna pero sinabihan siya ng kanyang ina na si Maria na huwag magtatagal dahil pagpatak ng alas diyes ay mag ro-rosaryo na sila at matutulog.


Napatingin siya sa relo bago lumabas, 8:00 PM pa lang naman at may oras pa siya makipag kwentuhan sa bagong kakilala. Kaya lumabas na ito at pumunta sa may punong sinasabi ni Catriona.


Nagkita ang bagong magkakilala, nagkakwentuhan sila at biglang narinig ni Billy ang tanong ni Catriona sa kanya. “Billy.. Bading ka no?” 

“Kahit hindi mo sabihin amoy kita..” at dahil sa sinabi nito, napangiti na lang si Billy at sinabing “kaya nga hirap ako ngayon ehh..


“Tsk! Tsk! Patay!” 

“Naku, gurl, parang kang isang paro-paro na nakakulong sa kulungang puro tinik, konting pagaspas lang ng pakpak mo ay siguradong matutusok ka…”

“Malas mo naman.. Bakit sila pa ang lolo at lola mo…”

“Mga galit sa bading yung mga iyon ehhh..”

“Mga galit sa mga katulad natin, lalong-lalo na sa mga katulad kong ganitong magdamit at ganitong kumilos at magsalita,  kulang na lang ipapako nila ako sa krus at sunugin sa bayan eh…”

“Buti ka nga kaya mo pang itago, hindi kaya halata sayo na bading ka.. Pero malakas ng kutob ko ehh.. At hindi naman ako nagkamali..”


Sa narinig ni Billy ay napabuntong-hininga na lang siya at nakaramdam ng lungkot para kay Catriona at sinabing “Kaya nga ang malas ko… sana sumama na lang ako sa papa ko…”


“Bakit, ano bang nangyari?” ang tanong ni Catriona, at doon na nagsimulang magkuwento si Billy. 


Walang hiya at walang pagsisingungaling sa taong pinakatiwalaan niya agad.



Itutuloy…






















No comments:

Post a Comment