ANG KWENTO NI BILLY
IKALAWANG LIBRO
ANG KWENTO NG MAG AMA
CHAPTER 8
(BIYAHE NG MAGKAIBIGAN)
LUMIPAS ANG TATLONG ARAW
SA MAYNILA
Sa loob ng tatlong araw na iyon ay hindi pa rin nakatulog nang maayos si Garry. Pumapasok sa trabaho na halos puyat at walang masyadong kinakausap sa trabaho dahil anak at asawa pa rin ang nasa isipan niya.
Sa tuwing kausap siya ng mga katrabaho at ng kanilang boss, hindi siya masyadong nakakapag-isip nang maayos, na napansin na rin ng kanyang head ang nangyayaring pagkatuliro niya. Kaya sinabi na rin sa kanya na tamang mag-leave muna siya next week.
Kaya sa araw ng pagpunta nila sa Marinduque ay maaga talaga siyang bumangon, naligo at nag-ayos para makipagkita sa kaibigan sa terminal ng bus. May dalang iilang damit at sapat na pera para sa kanyang panggastos.
Kaya nang makarating na siya sa terminal ay nagkita agad sila ni Wendell. Nagbatian at nagkamustahan ang dalawa. Inamin naman ni Garry na ang ilang araw niya sa trabaho ay parang wala lang sa kanya dahil nasasabik siya sa araw ng Sabado, ang pagpunta sa probinsya nila Maria.
Agad namang sumakay ang magkaibigan sa bus para pumunta sa pier. Doon sila sasakay ng barko na papunta sa kanyang asawa at anak.
Habang nasa biyahe silang dalawa ay pinag-uusapan nila ang binabalak nilang gawin. Pinag-usapan nilang maghahanap sila ng inn o mumurahing matutuluyan malapit sa lugar nila Maria. Sinabi rin ni Garry na ang mahalaga ay makausap at makahingi siya ng kapatawaran sa kanyang mag-ina.
Sinabi niyang ipapaliwanag niya ang lahat sa asawa at anak habang si Wendell naman ay nakikinig lang at sumusuporta.
Sa kalagitnaan ng biyaheng iyon ay nakatulog silang dalawa at nang magising ay halos malapit na sila sa pier.
Halos magtatanghali na rin nang makarating sila, kaya sa pagbaba nila ay naghanap muna sila ng kanilang makakainan.
Maraming tao sa pier at makikita doon na may mga aso kasama ang mga security guard.
May mga coast guard din sa tabi. Hindi rin mawawala ang mga biyahero at pamilya na kahon-kahon ang mga dala-dalahan pauwi sa kanilang mga probinsya.
Habang sila ay tig-iisang bag lang na nakasukbit sa kanilang mga likuran.
Parehong napakalakas ng dating na ilang tao na rin ang napatitig sa kanila.
“Pre, ayun oh kainan…” ang sabi ni Wendell.
Tumango naman si Garry at doon na sila nag-order ng kanilang tanghalian.
Sa kanilang pagsasalo sa tanghalian ay nasabi naman ni Wendell na 5pm pa naman daw ang kanilang biyahe sa barko.
Mahaba-haba pa ang kanilang oras sa paghihintay, kaya hindi nila kailangang magmadali.
“Mabuti na ung nag hihintay kesa naman maiwan tayo ng barko..” ang sabi ni Garry sa kanya.
Nagpakabusog sila at bumili na din ng meryenda para mamaya sa barko, kung magutom man sila, may tinapay silang makakain.
***
Habang nakaupo itong sina Garry at Wendell, naghihintay sa oras ng kanilang biyahe, ay biglang nag-ring ang cellphone ni Garry. Nakaramdam agad siya ng kaba at nakita niya ang pangalang nasa screen.
“Paolo..”
“Putcha! Oo nga ngayon na pala ung sabadong sinasabi niya..” ang sabi nito sa kanyang sarili habang si Wendell ay napatingin lang sa kanya.
Dali-daling itinutok ni Garry ang cellphone sa kanyang tenga at nagsalita agad ito.
“Hello, Paolo…” ang bungad niya.
“Kuya? Kuya Garry, papunta na ako ahhh.. Sa bahay ka ba?” ang tanong nito sa kanya.
“Ay, Paolo, ano kasi eh, nagka-emergency, papunta ako ng Marinduque ngayon at next week pa ang balik ko… Mukhang hindi kita nasabihan sa dami ng iniisip ko… Paano ba ’yan? May matutuluyan ka ba sa Maynila?” ang paliwanag at tanong ni Garry sa lalaking kausap.
“Ah ganun ba kuya, ok lang! Ok lang! Sige may kaibigan naman ako dito sa maynila, walang problema kuya..” ang sagot ni Paolo sa kanya.
“Sigurado ka? Pasensya na talaga ahhh!” ang sabi ni Garry.
“Ok lang kuya, wala naman problema.. Sige, salamat ulit! Balitaan na lang,” ang mabait at malumanay na sabi ng lalaki, tapos ay namatay na ang tawag.
Pagkababa ng tawag ay kinuwento agad ni Garry na may makikituloy sana sa kanya ngayong araw at nawala sa isip niya dahil sa mga nangyayari. Tumango na lang si Wendell at hindi na niya masyadong inusisa pa ito.
***
Dumating ang oras at nakita na nila na puwede na silang sumakay sa barko.
Naglayag ang kanilang sinasakyang barko na nagmula sa Batangas papunta sa Marinduque port. Tatlo hanggang apat na oras ang kanilang biyahe sa malawak na karagatan, at habang papalapit nang papalapit sila, kinakabahan naman si Garry.
Kakaibang kaba ang nararamdaman niya ngayon kumpara sa mga araw na nagdaan.
Hindi niya alam kung bakit, pero iba ang kutob niya sa pagpunta sa probinsya.
Habang nakatingin sa madilim na karagatan ay nagtanong itong si Wendell sa kaibigan. “Pre, ung pamilya ba ni Maria, anong klaseng tao? Mababait ba sila?”
“Oh, bakit mo naman natanong ’yan?” ang tanong ni Garry.
“Hmmm, wala lang naman..” ang sagot ni Wendell.
“Isang beses pa lang kasi ako nakapunta doon sa tita niya, mabait naman ang turing nila sa akin, tipikal na mga taga-probinsya din, pero napaka-relihiyoso nila,.. Hmmm, ’yun lang siguro ang masasabi ko sa kanila,” ang sabi nitong si Garry.
Tumango si Wendell at kung ano-ano pa ang pinagkuwentuhan nila hanggang sa marinig na nila na puwede na raw silang pumila para sa kanilang libreng hapunan.
Matapos silang kumain ay isang oras na lang ang kanilang hihintayin at makakababa na sila.
***
MARINDUQUE
Pagkalabas nila sa port na iyon ay sumakay agad sila ng tricycle papunta sa mismong bayan para doon na sila maghanap ng matutuluyan. Halos ginabi na sila sa biyahe nila, nang makakita sila ng building at may malaking karatulang “BOAC HOTEL”
“Diyan na lang tayo, pre…” ang sabi ni Garry, at tumango na lang si Wendell dahil pagod na sila at ayaw na nilang maghanap pa ng iba.
May isang security guard na nakatayo sa harap nito na nagbukas ng pinto. “Good Evening mga Sir..”
“Good Evening din po sir..” ang bati naman ni Garry na nakangiti pero sa mukha niya ay halatang pagod na. Nakasunod naman si Wendell at papikit-pikit pa.
Pumasok sila sa isang malaking pinto na yari sa salamin pero ang salamin ay halatang luma na dahil may kalabuan na ito.
Dumiretso agad sa receptionist para nagtanong at mabuti na lang may mga kwarto pa silang nakuha, kumuha muna sila ng pang dalawang araw na agad naman nilang binayaran ng buo.
Halatang maganda at malinis naman ang hotel na iyon, kahit mumurahin ay masasabing disente at ligtas.
Habang naghihintay sa kanilang susi, napalingon si Garry sa kanyang likuran.
Nakita niyang may kausap ang security guard. Nakita pa niyang itinaas ng security guard ang kamay nito na parang may itinuturo.
Tila ba parang namamalikmata siya na hindi niya alam, hindi niya alam kung dahil ba sa pagod, dahil may kalabuan na ang salamin ay hindi niya maaninagan ang kausap ng lalaki.
“Sir.. eto na po ung susi nyo..”
Muling inulit ng babae ang sinabi, “Sir… eto na po ung key.” at si Wendell na ang kumuha.
“Psst pre, ayos ka lang?” ang tanong ni Wendell.
Napalingon si Garry sa kaibigan at kinusot ang mga mata. “Ahh oo ayos lang ako, parang may kung anong naramdaman lang ako, nakita ko kasi ung kausap ni manong guard, parang kala ko si Billy..” ang sabi ni Garry at lumingon silang dalawa sa may pinto, nakita nilang wala nang kausap ang security.
“Naku, pagod lang yan pre, tska isang linggo mo nang iniisip ang anak mo.. baka naman mamaya si Maria naman ang makita mo, hehehehe..”
“Kaya tara na sa kwarto natin.. ipahinga mo na yan,” ang sabi ni Wendell sa kanya sabay abot sa kanya ang susi.
Umakyat na sila sa 2nd floor at habang papunta sa kwarto ay nagsalita si Garry.
“Pre, bukas na tayo ng umaga pumunta kina Maria, paniguradong mas magagalit ’yon kung gabing-gabi na tayo mambubulabog sa kanila…” ang sabi ni Garry sa kaibigan.
“Hmmm, ikaw ang bahala, pre.. Tutal anong oras na, mag-aalas-onse na, oh…” ang sabi ni Wendell.
“Tama, bukas na lang ng umaga.. Pahinga na tayo.” ang sabi ni Garry, at nang makarating sa kanilang kwarto ay pumasok agad ang magkaibigan. Nakita nilang malaki ang kwarto, may dalawang kama na single bed, may aircon, banyo, maliit na mesa, dalawang upuan, may cabinet at isang maliit na ref.
“Oh, mukhang ok to, pre, dito na ako sa isang kama, ahh…” ang sabi ni Wendell.
“Sige, dito naman ako,” ang sagot ni Garry, halos parehong naghubad ng kanilang mga damit.
“Pre, mauna na akong maligo…” ang sabi ni Garry.
“Sige sunod ako..” ang sagot naman ni Wendell.
Matapos makapaglinis ng katawan ng dalawa, ay natulog sila nang mahimbing.
Binawi ang lakas nila sa gabing iyon at wala silang kaalam-alam sa pangyayaring gugulat na lang sa kanila kinabukasan.
Itutuloy…