Friday, July 17, 2026

ANG KWENTO NG MAG AMA CHAPTER 6 (MABIGAT PARA KAY GARRY)

 

ANG KWENTO NI BILLY 

IKALAWANG LIBRO


ANG KWENTO NG MAG AMA 

CHAPTER 6

(MABIGAT PARA KAY GARRY)



MARTES NG UMAGA

SA MAYNILA


Nakaupo ngayon si Garry sa kanyang station. Kanina pa sumisipat-sipat sa opisina ng kanyang boss dahil nais niyang mag-request ng leave kahit tatlong araw lang.


Kaya habang nakaupo siya, paulit-ulit sa kanyang isipan ang gagawin niyang dahilan. 


Ang dahilan na gusto niyang magpahinga dahil sa mental stress, ganito lang ang kanyang idadahilan na alam naman niyang malabong maibigay sa kanya dahil hindi ito sapat na dahilan para payagan siya.


Hanggang sa makita niyang bumukas ang salaming pinto ng opisina at nakita niyang may lumabas na tatlong empleyadong kakatapos lang kausapin.


Kaya dali-dali siyang tumayo at lumakad papunta sa opisina.


Nakita niya ang lalaking nakatayo sa may pinto na halos kasing tangkad lang din niya at kasing edad lang din niya ito. Nauna lang ng dalawang taon sa kanya sa kumpanya.


Sakto lang ang laki ng katawan, mas malaki pa rin ang katawan ni Garry kung sila ay ipagkukumpara.


May dating din, kaya ang iba ay humahanga dito.


Naglakad ang kanyang boss papunta sa pantry at naisipang sundan ito ni Garry.

Naabutan niyang kumukuha ng baso ang kanyang bossing na agad niyang kinausap.


“Good Morning boss!” ang kanyang bungad.


Napalingon ang lalaki sa kanya at may ngiti naman itong ibinigay at sinagot ang bati ni Garry. “Good Morning din Garry..” pero hindi pa nakakapag salita si Garry ay nagsalita na ang lalaking kumukuha ng tubig.


“Pasensya na pala sa pagpapapasok sa'yo ngayong araw, alam kong nagsabi ka na mag le-leave ka, pero importante kasi ito.. Alam mo naman maluwag tayo sa mga leaves pero kapag ganung mga urgent ay kailangan talaga..”


Matapos sabihin ito ng lalaki ay uminom na ito ng tubig at tumango naman si Garry.


Pagkatapos uminom ng lalaki at nagtanong itong muli.


“May kailangan ka?” ang tanong nito.


Tumango si Garry at sinabing “meron po.. Mag leave po sana,” ang sabi ni Garry at napangisi naman ang lalaki.


“Hmmmmmm.. Leave, hmmmm, tara sa opisina ko, tingnan natin..” ang sabi nito at tumango na lang si Garry. 


Ibinaba ng lalaki ang baso at lumakad na ito papunta sa opisina habang si Garry ay nakasunod lang sa likuran at muling binigkas sa isipan ang dahilan ng kanyang pag-leave.


Habang naglalakad ay napansin ni Garry ang matikas ding katawan ng lalaki, sa hapit na polo shirt nito ay ipinapakita lang na nagbubuhat din ito.


Nang makarating na sila sa opisina ng kanyang boss ay pinaupo na siya at ang lalaki naman ay nakaupo sa kabila, binuksan ang laptop at hinanap ang records ni Garry. 


Nang makita na niya ang record ni Garry at napatango tango naman siya.

Sinilip din nito ang attendance at wala naman siyang nakitang hindi maganda.


Tumango at tumingin na ito kay Garry sabay sara ng kanyang laptop. “So Garry, ilang days? Anong dahilan?” ang tanong ng kanyang boss.


Nakangiti kay Garry habang nagtatanong.

Pakiramdam ni Garry na good mood ang kanilang bossing kaya malakas ang pakiramdam niyang mapapayagan siya.


“3 days po sana, starting Monday next week hanggang Wednesday po..”

“Ano po, hmmmm, ung reason... Me–mental stress po boss..” ang kanyang kinakabahang sagot.


Napatango ang kanyang boss at sinabing “mental stress.. Dahil ba sa work? Sa family..?” 

“Sorry kung inaalam ko ahh, para naman alam ko din ang isasagot ko kapag tinanong ako ng mas mataas pa sa akin.. Alam mo naman na kapag nagtanong na sila Senior. Kailangan may dahilan ako..” ang paliwanag ng lalaki.


Napatango naman si Garry at sinabing “sa family po..” ang sagot nito at napatango na lang ang lalaki.

“Ok personal pala, sige papayagan kita.” ang sabi ng lalaki sa kanya, at napangiti naman si Garry.


“Ay, Teka nga at may sisilipin ako..” ang sabi nito kay Garry na biglang kinabahan. 


Nakita niya ang boss na muling binuksan ang laptop at pumindot-pindot lang. 

Sinilip nito ang operations calendar nila.


“Hmmmm.. Next week, hmmmm wala naman pala..” ang sabi nito sa sarili.


Tapos ay tumingin na siya kay Garry at sinabing “ Okay, sige, ganito, kung gusto mong mag-leave ng isang linggo ay papayagan kita.” at umaliwalas ang mukha ni Garry sabay sabing “Talaga, boss… Sige po.” dahil pakiramdam ni Garry na mas maraming araw ang kakailanganin niya.


 Nang magulat siya sa sinabi ng kanyang boss, “pero sa isang kundisyon,” at nagulat si Garry sa narinig. 


“Kundisyon po boss? Hmmm ano po iyon?” ang kabado nitong tanong habang nakatingin sa seryosong mukha ng lalaking may dating.


Mestiso at chinito ang datingan ng lalaking tinititigan niya ngayon.

Kita naman sa tikas ng katawan nito na nagbubuhat siya.


Ngumisi ang gwapong lalaki at sinabi sa kanyang “Be my gym buddy after work, mga 3 days lang naman per week. Monday, Wednesday, and Friday.”

“Iba kasi ang cuts ng katawan mo. Ang ganda, at hindi ka mukhang malaking-malaki. Ganyan ang gusto kong mangyari sa katawan ko, if ok lang sa’yo?” ang sabi sa kanya ng kanyang boss habang pinagmamasdan ang kanyang katawan.


“Gym buddy..” ang gulat ni Garry.


“Naku boss, hindi po ako nagbubuhat sa mga mamahaling gym, minsan sa bahay lang ako push-ups, sit-ups, tsaka buhat ng galong tubig, hehehe.. Minsan kapag may extra sa mga bakal gym naman ako, arawan lang ang kaya kong ibayad, hindi pang monthly.. May pamilya akong sinusuportahan,” ang diretsuhang sagot nito.


“Hmmmmmm.. Ganun ba, ok sige sige.. Kalimutan mo na lang ung kondisyon na iyon Garry.. Sige na pwede ka nang mag leave ng 1 week, basta endorsed mo lang ng maayos ang lahat sa akin ung mga hindi mo matatapos para ako na ang lilingon..”

“Puwede ka nang umalis…” ang sabi ng lalaking nakangiti sa kanya.


Ngumiti naman si Garry at sinabing “Salamat po, boss… Una na po ako.” At tumayo na ito para lumabas.


***


Sa pagbalik ni Garry sa kanyang station ay dali-daling tinawagan si Wendell. 

Nang makausap na niya si Wendell, sinabi niyang pinayagan siya ng isang linggo next week. Natuwa naman si Wendell at sinabing siya na ang bibili ng kanilang ticket para sa sabado.


“Salamat, pre!” ang sabi naman ni Garry sa kanya.

“Wala iyon pre.. Basta ikaw..” at doon na natapos ang kanilang usapan.


***


Buong araw ay nagtrabaho lang si Garry. Paminsan-minsan ay naiisip ang anak at asawa na paulit-ulit din niyang tinatawagan si Billy, pero nakapatay pa rin ito.


Sinubukan na rin niyang tawagan si Maria, pero hindi naman siya sinasagot at paminsan-minsan pinapatay.

Nag-text at nag-chat na rin siya sa asawa, humihingi ng sorry, pero ni-seen ay hindi ginagawa ni Maria.


Kaya naman nilulunod na lang ni Garry ang kanyang sarili sa trabaho at sa tuwing sasagi muli sa isip ang anak ay napapailing na lang siya dahil wala siyang magawa para makausap ang anak.


“Kamusta ka na kaya anak?”


 

Itutuloy…

 












No comments:

Post a Comment