Sunday, August 2, 2026

ANG KWENTO NG MAG AMA CHAPTER 10 (ASAN KA NA BILLY)

 

ANG KWENTO NI BILLY 

IKALAWANG LIBRO


ANG KWENTO NG MAG AMA 

CHAPTER 10

(ASAN KA NA BILLY)


Trigger Warning / Reader's Note: Ang kuwentong ito ay naglalaman ng mga eksena ng panlalait, diskriminasyon, at mapanakit na pananalita laban sa LGBTQ+ na mga karakter. Ang mga elementong ito ay bahagi ng salaysay at hindi sumasalamin sa pananaw o paniniwala ng may-akda. Pinapayuhan ang pag-iingat sa pagbabasa. 


***


SA ISANG KAINAN


Nakaupo ang magkaibigan, may iniinom na tubig at may pagkain sa harapan nila. Nag-iisip kung ano ang susunod na gagawin. Hindi nila inasahan na ganito ang mangyayari nang biglang marinig na lang ni Garry ang pagtunog ng kanyang cellphone.


Sinilip niya ito at isang text na nagpakunot ng kanyang noo at salubong ng kanyang kilay.

“HOY, GARRY! KUNG NASA’YO ANG ANAK KO, IBALIK MO SIYA DITO NGAYON DIN!”


Matapos niyang basahin ito, kumulo talaga ang dugo niya. Tipong hindi nga niya nakausap si Billy o nakita man lang, pero siya na ang pinagbibintangan.


Agad niyang ipinakita kay Wendell at maging ang kaibigan niya ay nagalit sa nabasa, napapalo na lang si Garry sa lamesa at nagulat ang iilang kumakain na napatingin sa kanila. “Pre easy lang!” ang biglang bulong nitong si Wendell.


Sumegunda pa siya at sinabing “mawalang galang na pre ahh, kahit asawa mo pa rin ito, sasabihin ko na ang bobo niya..”


“Talagang ikaw pa talaga ang sinisi, eh samantalang umalis si Billy dahil sa may hindi maganda palang ginagawa yang mga iyan.. Yang tiyahin niya at tiyuhin ni Maria, pakiramdam ko sila may gawa nun sa anak mo ehh, ung sinabi nung Catriona, tangina.. Ginamot pa daw ung sugat, so ibig sabihin sinasaktan na nila si Billy..”


Matapos sabihin ito ni Wendell ay napatingin sa kanya si Garry.

“Gusto ko nga sila balikan ehh, pero mas importante ang anak ko.. Nasaan na kaya si Billy..”

“Bakit hindi niya ako tinawagan…” ang tanong ni Garry.


“Hmmm, baka walang cellphone ang anak mo.. kasi kung may hawak na phone yan ay tatawagan ka kaagad nyan..” 

“Alam ba ni Billy ung address mo sa maynila?” ang sabi at tanong ni Wendell.


“Hindi ko nga alam pre, kung mayroon siyang address ng apartment ko, hmmm, sana meron para hindi na ako mag alala at magkita na lang kami doon..” at muling binasa ang mensahe ng asawang pinagbibintangan siya.


“Eh eto pre, anong magandang isagot?” ang tanong ni Garry.


Ngumisi bigla si Wendell at sinabing “akin na pre, ako sasagot..” at inabot ni Garry ang cellphone dahil tiwala naman ito sa kaibigan. Matapos magtype ni Wendell ay agad niyang ibinigay kay Garry at sinabing “ayan ayos ba yan?”


Habang binabasa ni Garry ang nasa reply box.

“Hmmmm.. Pwede..” at siya na mismo ang pumindot ng send.


“Anong pinagsasabi mo? Nawawala si Billy!? Sinasabi ko sa’yo Maria, kapag may nangyaring hindi maganda sa anak ko, ikaw ang mananagot, kayo ng pamilya mo!”


“Tama lang yan, iparamdam natin na wala tayong alam, kailangan nilang malaman na wala tayong kinalaman, para makakilos tayo agad. Hayaan na natin sila mabaliw, basta tayo kailangan na nating umuwi ng maynila.” ang sabi ni Wendell sa kaibigan.


Tumango naman si Garry at sinabing “geh, ganun na lang pre.. Salamat ahh!”


“Sus! Wala iyon.. Kumain na tayo at bumalik na sa maynila..” ang sabi ni Wendell at nagsimula na silang kumain na medyo gumaan na ang loob ng ama.


***


Matapos ang magkaibigan ay bumalik na sila sa hotel nila. Nakita nila ang security guard na naka duty kagabi, hindi ito naka uniporme.


Nilapitan agad ni Garry ito at kinausap.


“Boss! Magandang umaga..” ang bati ni Garry.

“Uy boss, ano pong atin?” ang tanong ng lalaki sa kanila.


“Boss, tanong ko lang, ung kagabing dumating kami tapos ilang sandali lang may kumausap sayo na binata? Natatandaan mo ba yun?” ang sabi agad ni Billy.


Nakita sa mukha ng security na nag isip at inalala ang mga oras na iyon.


Biglang umaliwalas ang mukha at sinabing “ahhh, oo natatandaan ko na, naalala ko ung nagtanong kung saan ung sakayan papunta sa pier.. Kaya tinuro ko naman, pero sinabi ko naman sa kanya na madaling araw na ang biyahe papuntang Batangas..” at nang marinig ito nila Garry ay nagkatinginan silang dalawa magkaibigan.  Tapos nun ay nagpasalamat na sila sa security guard.


“Tama nga ang sinabi ni Catriona..” ang sabi ni Garry.


“Nasa maynila na panigurado ang anak mo.. kung kaninang madaling araw pa siya nakasakay..” ang sabi ni Wendell.


“Sigurado yan..” ang sabi ni Garry at umakyat na sila para pumunta sa kanilang kwarto. Kailangan na nilang mag ayos at umalis.


***


Nagbiyahe ang magkaibigan papunta ng port at nakabili agad sila ng ticket pabalik ng Batangas. Ilang oras pa ang paghihintay hanggang sa makasakay na sila ng barko. Halos nagdidilim na din nang makarating na sila ng Batangas.


Sumakay agad sila ng bus papunta naman ng Maynila at habang nag bi-biyahe sila ay punong puno ng kaba ang dibdib ni Garry.


Anong oras na din nang makababa sila sa Terminal sa maynila at hetong niyaya na lang ni Garry si Wendell na tumuloy sa kanyang apartment. Hindi na niya pinauwi ang matalik na kaibigan sa kanilang probinsya dahil alam din nitong pagod na pagod na si Wendell.


Sobrang nakakapagod ang ginawa nilang iyon.


Sabado ng umaga ay umalis na sila, linggo ng gabi ay muli silang nakabalik sa apartment. Sabay silang naglalakad papunta sa paupahang iyon, halatang malungkot pa rin si Garry, hindi maalis sa isip niya ang nag iisak anak na mahal na mahal niya.

 

Hindi alintana ang mga tao sa paligid, mga tambay na naglalaro at mga nanay na nagtsi-tsismisan at nang makarating na sila sa paupahan ay natigilan na lang si Garry.


Hindi alam kung anong magiging reaksyon.


Habang ang kanyang kaibigan ay nakangiti na lang habang ang isang binata na nakaupo sa gilid ng kalsada ay mangiyak ngiyak na tumayo, may puting gasa sa noo. Parang kala mo ay batang nawawala na ngayon ay natagpuan na.


Lumapit at yumakap sa kanyang ama. 

Narinig nila ang pag iyak nito at walang ibang ginawa si Garry kundi bigyan ito ng isang mahigpit na mahigpit na yakap.


“Papa…” ang humahagulgol na sabi ni Billy.

“Anak ko…” ang sagot naman ni Garry at maging siya ay naluha.


Sabay tapik naman ni Wendell sa balikat ng mag ama.




Itutuloy…



No comments:

Post a Comment