Sunday, August 2, 2026

ANG KWENTO NG MAG AMA CHAPTER 11 (ANG KARANASAN NI BILLY)

 

ANG KWENTO NI BILLY 

IKALAWANG LIBRO


ANG KWENTO NG MAG AMA 

CHAPTER 11

(ANG KARANASAN NI BILLY)



Trigger Warning / Reader's Note: Ang kuwentong ito ay naglalaman ng mga eksena ng panlalait, diskriminasyon, at mapanakit na pananalita laban sa LGBTQ+ na mga karakter. Ang mga elementong ito ay bahagi ng salaysay at hindi sumasalamin sa pananaw o paniniwala ng may-akda. Pinapayuhan ang pag-iingat sa pagbabasa. 


***



SA LOOB NG APARTMENT


Sa pagpasok nilang tatlo sa paupahang iyon ay pinainom muna ni Garry ng tubig ang dalawang kasama. Halo halong emosyon ngayon ang mayroon sa kanilang lahat. Nanginginig pa rin sa galit itong si Garry sa tuwing nakikita niya ang sugat ng anak.


Pinaupo naman nila si Billy at sa mga oras na iyon ay nagsimula nang magkuwento ang binata.


Isinaad niya ang lahat, walang iniwang detalye at lahat ng lumabas sa kanyang bibig ay purong katotohanan lang na nag bigay ng galit kay Garry at Wendell.


***


LUNES NG GABI

FLASHBACK


Nang makababa na ang mag ina sa jeep na sinakyan ay lumakad sila papunta sa malaking lote kung saan nandoon ang dalawang palapag na bahay na yari sa kahoy. Halatang luma na ito na parang panahon pa ng mga kastila.


Tahimik ang paligid. 

Maliwanag ang kapaligiran dahil sa liwanag ng buwan. Malamig ang simoy ng hangin, na hindi nalalayo sa lugar nila Billy.


Sa paglalakad nila ay biglang bumukas ang pinto at lumabas agad ang isang matandang babaeng naka palda at blusa. 


May kasungitan ang dating at nakapusod ang buhok. “Oh mabuti naman at nakarating na kayo.. Sinabi nga ng pinsan mong si Melanie na darating kayo, bigla bigla naman ang mga nangyaring iyon, haaay! Oh! Kamusta! Kamusta!” ang masayang pagbati nito na agad niyakap si Maria. 


Hinalikan naman sa noo si Billy at sinabihan pa nitong, “abah, ang gwapo naman ng apo ko, ang laki laki na ooh, tara pasok pasok.. Nang makapag pahinga na kayo, siguradong pagod kayong mag ina sa mahabang biyahe.”


Sa narinig ni Billy, pakiramdam niya ay mabait naman ang tiyahin ng kanyang ina, na tinuturing niyang lola. 

Sa pagpasok nilang dalawa ay lumabas naman ang isang matandang lalaki na ang pangalan ay Melchor na natatandaan ni Billy na sinabihan siyang magmano sa asawa ng kanyang lola Matilde.

 

Kaya iyon naman ang ginawa ni Billy. Tumayo at nagmano sa matandang lalaki.

“Kaawaan ka ng diyos ama.. Iho..” ang sabi sa kanya at ngumiti lang ito sa kanya.


Agad silang niyaya ni Matilde at sinabing “tara na, dalhin nyo na yang mga gamit nyo at ituturo ko ang kwarto nyo, dalawa ang inihanda naming kwarto kaya mabuti nang maghiwalay kayo mag ina, alam nyo naman na hindi na tamang nag sasama ang mag ina sa iisang kama kapag may edad na ang anak..” narinig ni Billy at Maria ang sinabi ni Matilde.


Sumunod naman si Billy at Maria. 

Magkatabi lang naman ang kwarto nila mag ina. Sa itaas ang kanilang kwarto, habang ang mag asawa ay nasa ibaba ang kwarto.


Narinig ni Billy na tinawag ni Matilde ang pamangkin.


“Maria, pumarine ka sa ibaba at mag uusap tayo…” ito ang sabi kay Maria na agad naman sumunod.


Habang si Billy ay naisipan munang namnamin ang pagpapahinga sa kamang mayroon siya.

Napatitig ito sa kisame at napabuntong hininga, muli niyang naisip ang cellphone niya kaya naman dali dali na itong tumayo at lumabas ng kwarto.


Pero nang makarating na ito sa hagdan ay narinig niyang nag uusap si Maria, Melchor at Matilde. 


“Ano!! Seryoso ba iyan ha Maria..?” ang bulalas ng matandang tiyuhin.


“Diyos ko mahabaging panginoon!! Ano na bang nangyari sa asawa mo, hindi tama ang pumatol sa kapwa lalaki, isang malaking kasalanan sa diyos ang makipag-ibigan sa lalaki kung ikaw ay lalaki rin.” ang sabi ni Matilde na pailing iling pa.


“Tapos nahuli mo pang may ginagawa silang karumaldumal na gawain.. Diyos ko! Sinasabi ko sayo Maria, kapag pumunta yan dito para kausapin kayo, dadanak talaga ang dugo, hindi na puwedeng bumalik ang apo ko sa puder ng ama niyang iyan..” “Masunog na ang kaluluwa ko sa impyerno pero sisiguraduhin kong hindi na kayo babalik doon!” ang mga sinabi naman ni Melchor.


“Naku Melchor! Matakot ka nga sa sinasabi mong iyan, anong masusunog ang kaluluwa mo, hindi mangyayari iyan dahil ang kaluluwa niyang talipandas na asawa ni Maria ang masusunog sa impyerno..”


“Hindi ang mga kaluluwa natin dahil tayo ay nasa tama, pinili natin ang liwanag ng diyos..!” 

“Pero iyang si Garry ay masamang ama..” ang pagdidiin ni Matilde sa kanyang mga salita.



Sa bawat binitawan nilang salita ay narinig ito ni Billy. 

Hindi siya makapaniwala na sirang sira ang kanyang papa sa mag asawang ito. Pero dahil kailangan niya ang cellphone ay bumaba na lang siya pero ang akala niyang titigil sa pag uusap ang mga ito.

Nagkamali siya, dahil mas lumala pa ang mga sinasabi nila Melchor at Matilde. Harap harapang niyurakan ang pagkatao nitong si Garry.

Hindi na din nakaimik si Maria pero sa isip nito ay heto siyang naniniwala na sa mga sinasabi ng kanyang tiyo at tiya. Mas pinaniniwalaan niya ngayon ang tiya at tiyo niya dahil naririnig niya ang pangalan ng diyos, sinasabi nila Matilde na kasalanan ang ginawa ni Garry at naniniwala siya dito.


Naniniwala siya sa Diyos at sa mga nakasaad sa bibliya.

Naniniwala din siya na kasalanan ang maging bakla.


“Mama.. pwede ko na bang makuha ung phone ko…” ang sabi ni Billy nang biglang nagsalita si Melchor.


“Pwede ko na “po” bang? Laging may “Po!!!!” Kahit nasa hustong edad kana ay kailangan mo pa rin galangin ang mama mo.. sige ulitin mo..” nagulat si Billy dahil ginagalang naman niya ang kanyang ina pero nalimutan lang niyang lagyan ng “po” ang salita niya ngayon.


Tumango si Billy at inulit ito na may paggalang na.


“Mama.. pwede ko na po bang makuha ung phone ko…” pero hindi pa nagsasalita si Maria ay sumabat muli si Melchor.


“Yan ganyan! Hindi ung tutulad ka sa ama mong walang galang, walang respeto sa ina mo.. Kaya tatandaan mo na habang nandito ka sa bahay namin apo, ay maging magalang ka ahh, iwanan mo ang pangit na ugali doon sa probinsya nyo, iwanan mo ang itinuro sayo ng ama mo, kahit ang pakikipag relasyon sa kapwa lalaki.. ” at napatikom na lang ang labi ni Billy. 


Tumango ito at sinabing “Opo..”


Tumingin agad sa kanya si Maria at nang huhugutin na ang cellphone ay nakita niyang inilahad ni Matilde ang palad nito. 


Nagulat si Maria at Billy, sabay sabi nito na “akin na.. Ako na ang hahawak nyan at wala munang mag ce-cellphone, magpahinga kana..” nanlaki ang mga mata ni Billy, nagulat at hindi makapaniwala.


Ayaw naman niyang magreklamo dahil nakakaramdam siya ng takot sa matanda. Nag iba na ang tingin niya dito, hindi na katulad kanina na nasabi pa niyang mababait. Oo mababait sila pero iba ang ugali.


Walang nagawa si Maria kundi ibigay na lang ang cellphone sa tiyahin at nang mahawakan na ni Matilde ang cellphone ay nagsalita agad ito ng “matulog kana ng maaga dahil bukas na bukas, maaga tayong gigising at magsisimba..”


“Kailangan nyong mabendisyunan ni father at baka dala dala nyo ang kamalasan na galing sa ama mo..” ang sabi ni Matilde. 


Huminga ng malalim si Billy at napatango na lang si Maria at sinabing “mainam nga iyan tiya, kailangan ko din makapag simba bukas.. kailangan ko makarinig ng salita ng diyos at mawala sa isip ko ang problemang ibinigay ni Garry,” sabay tingin sa anak at sinabing “sige na anak, magpahinga kana.. Bukas ay maaga pa tayong gigising para makapagsimba..”



“Tama! Tama magpahinga na! ipapakilala pa namin kayo sa mga kaibigan namin sa simbahan..” ang sabi ni Melchor.


Biglang may dinukot si Matilde sa kanyang bulsa, “ oh iho, eto ang rosaryo, magdasal ka bago matulog, ipanalangin mo sa panginoon natin na huwag kang matulad sa ama mo.. hindi tama ang maging binabae, walang lugar sa mundong ito ang pagiging binabae at tandaan mo ang pagpatol sa kapwa lalaki ay isang malaking kasalanan.. mapupunta ka sa impyerno.” 


Walang nagawa si Billy.

Kinuha ang rosaryong iyon at tumango na lang na may mabigat sa kanyang dibdib.

Umakyat sa kanyang kwarto, ipinatong ang rosaryo sa lamesitang maliit at humiga.



“Sana nagpaiwan na lang ako sa probinsya namin..” 

“Sana sumama na lang ako kay papa …





Itutuloy…















No comments:

Post a Comment